Private Jane : 001
- Markcism
- Jun 1, 2015
- 4 min read

Sa pagsapit ng gabi kung saan lahat ng tinatamaan ng liwanag ng araw ay nahihimlay sa ilalim ng ilaw ng buwan at kadilimang taglay ng malamig na gabi ay may grupo ng taong halos labas ang kaluluwa't laman, sila nakahanay sa kahabaan ng isang sikat na kalsada sa tinaguriang lungsod ng mga bituin. Pawang may mga hinihintay, nag-aasam ng oportunidad na kumita at maiahon ang kanilang mga pobreng buhay.
Ilang sandali ang lumipas ay may humintong pulang sasakyan sa isang waiting shed malapit sa kinatatayuan nila, sa hitsura pa lang ng sasakyan ay mababatid mo na makapal ang bulsa ng sinumang may-ari nito. Lalo na kapag naaininag mo na iisa lamang ang tanging numero na naka-ukit sa plaka nito. Politiko. Binaba ang tinted na bintana, nilabas ang kamay at kumaway na tila may tinatawag. Agad namang lumapit ang isang lalake, nagmamadali ito, kita kahit sa kadiliman ng gabi ang mga ngiti nito na pawang may sinisigaw. Pera. Mabilis ang mga pangyayari, ilang kataga ng salita lamang ang narinig mula sa tao sa loob ng ma-posturang pulang sasakyan; -"Yung dati daw sabi ni boss!", Lumingon ang lalaki sa kumpol ng mga kababaihan at sumenyas ito, parang mga robot na agad lumapit sa sasakyan ang tatlong babae. Automatic. Makikinis, magaganda, bata. Sa mga hitsura nila ay alam mo na mabenta ang mga ito. Sa kilos ay kita mo na bihasa ang mga ito. Kahit natatakpan ng makakapal na kolorete ang mukha ay batid mo na di nalalayo ang edad ng mga ito sa kainosentehan. Pumila sila sa gilid ng kotse at tumango ang taong nasa loob. Ilang sandali lang ay umalis na din ang pulang sasakyan, wala na din ang tatlong babae, ang tanging naiwan ay ang lalaki na tila may binibilang sa kanyang mga kamay. Paldo. Tumuloy ang pulang kotse sa loob ng isang pulang gusali, kung saan ang logo ay isang maputing babae na pilit kinukubli ang sarili sa likod ng pamaypay. ------------------------------------------------------------------------------------------------------ Halos maubos ang sabon kakakuskos ni Jane sa kanyang katawan, alam niya na kahit ilang kilong sabon pa ang kanyang maubos ay hindi nito maalis ang amoy ng mapupusok na pang-gagamit sa kanyang katawan. Pinipilit niyang ikumbinse ang sarili na ang lahat ng ito ay trabaho lang, at ginagawa niya ang lahat ng ito para sa ikabubuti ng buhay nilang mag-ina. -"Silang mag-ina", parang mga punyal na tumutusok ang mga katagang ito sa kanyang puso kaya sa bawat patak ng tubig na tumama sa kanyang katawan ay siya ding pag-agos ng mga luha niya habang pilit kinakalimutan ang nakaraan. Edad disotso. Morena, bata, pinagpala, mga katangian taglay niya hanggang ngayon; pang binibining pilipinas; ganyan ipaliwang si Jane sa kanilang baryo sa Cebu. Hinahangaan, hindi lamang ng mga kalalakihan, kundi maging mga kababaihan, kabaklaan, at katomboyan sa kanilang lugar ang naiiba niyang taglay na kagandahan at hinhin. Prinsesa ang turing sa kanya ng kanyang amang si Mang Nestor, hindi naman niya nasilayan ang kanyang ina. Maaga itong sumakabilang buhay matapos makipaglaro ng tongits kay kamatayan. Kaya bilang bunso at nag-iisang babae sa apat na magkakapatid, pinilit niyang makatulong sa ama sa pagtitinda sa palengke. Maayos ang kanilang naging buhay, ngiti ang laging nakarehistro sa kanyang mga labi. Minsan isang summer, isang lalaking taga-Maynila ang napadpad sa kanilang lugar upang magbakasyon. Hindi lamang magagandang tanawin ang kanyang nakita doon kundi pati ang kagandahan ni Jane. Niligawan, pinangakuan ng mga bituin sa langit, pinangakuan na dadalhin sa Maynila at tutulungan pag-aralin. Kahit tutol ang kanyang ama at mga kapatid, ipinaglaban ni Jane ang nararamdaman. Napamahal siya sa lalaki at naniwala na pakakasalan siya nito, kaya sumama siya dito at ibinigay niya ang lahat na meron siya, isunuko ang sarili para lamang sa pagmamahal na ngayon lang niya naramdaman. Bagsak ang Bataan. Maiinit ang mga gabing kanilang pinagsaluhan, puno nang pagmamahalan ang bumalot sa bahay na kanilang inupahan. Malaparaiso ang kanyang naging pakiramdam sa piling ng lalaki. Lasap niya ang tamis nang mga pangako nito. Ngunit lingid sa kanya na sa kabila ng masasayang pangyayari ay may kasunod na pighati. Ang kabaitan at katapatan pinakita nang lalaki ay mayroon palang expiration date, agad siya nitong iniwan matapos makuha ang natatanging kayamanan na kailan man ay hindi na mapapalitan. Natapos ang lahat kasabay ng pagsisimula ng tag-ulan. Eat and run. Napalitan ng poot ang kanyang mga ngiti, at tanging pagsisi na lamang ang kaya niyang gawin. Walang magawa ang malalapit na tao sa kanya kundi tanggapin ang kapalaran na sinapit niya. Pagkalipas ng ilang buwan, unti-unting nagkakaumbok sa tiyan si Jane, Nagbunga ang mga pangyayari sa pagitan nila ng lalaking taga-Maynila. Naging mainit sa mga mata ng taga-baryo ang sinapit ni Jane. Putik ang naging tingin sa mala-anghel na pagkatao niya. Inisip ni Jane ang kinabukasan, ang kutya na sasapitin hindi lamang niya kundi pati ang munting biyayang pinagkaloob sa kanya. Kailangan niyang gumawa ng paraan, kailangan niyang panindigan at harapin ang tadhana na ibinigay sa kanya. Maagang lumabas ng bahay si Mang Nestor isang umaga upang magkape, nagulat siya dahil halos ika-walo na nag umaga ay sarado pa din ang silid ni Jane. Kilala niya ang bata na ito na maagang nagigising at naghahanda ng almusal. Ngunit ngayong umaga ay kakaiba, kaya tinungo ng matanda ang silid ni jane at marahang kumatok. Laging gulat niya dahil hindi naka-lock ang pinto, agad niya itong tinulak, at nabigla sa tumambad sa kanya. Nakaayos ang pagkakasapin sa bakanteng kama, malinis ang paligid, walang mga damit na nakasabit. Sa gilid ng kama kung saan may maliit na lamesa ay may isang bagay siyang napansin. Isang liham. Gumilid ang mga luha sa mata ng matanda habang binabasa ang nakasulat.
Mahal kong Ama, Patawad sa lahat ng nagawa kong pagsuway sa inyo. Malaki ang kahihiyang naidulot ko sa ating pamilya. Nabahiran ko ng mantsa ang linis ng ating pangalan dahil lamang sa pag-aakala na nakita ko na ang sinasabi nilang pagmamahal. Patawad sa lahat, ako muna ay lalayo upang hanapin ang aking sarili at itama ang mga nagawa kong kamalian. Salamat sa lahat ng pagiintindi at pagaaruga sa akin. Kayo na po muna ang bahalang umintindi sa akin. Hanggang sa muling pagkikita, salamat at kayo ang naging tatay ko. Ang inyong anak, Jane
Nilisan niya ang Cebu at nakipag-sapalaran sa Maynila.
Itutuloy...
Comments