Ulan at Trapik
- Markcism
- Jun 16, 2015
- 4 min read

Habang lulan ng bus ay malaya kong isinandal ang aking likod sa malambot at malamig na upuan. Lunes na naman, aktibo na naman ang mga anak-pawis sa pagbabanat ng buto. Halos lahat ng iyong masasalubong sa daan ay nagmamadali at nakikipag-habulan sa oras, wala kang makikitang nagsasayang ng sandali sa kanilang paglalakbay patungo kung saan man.
Napasandal ako sa bintana ng bus ng maramdaman ko ang malamig na sensasyon mula sa mangas ng aking damit. Malakas ang ulan, at sa sobrang lakas ay tumagos ito mula sa bintana. Kahit nakaramdam ng konting yamot ay bigla itong nawala, dumungaw mula sa bintana at nakita ang mga taong naglalakad, na kahit na may mga dalang payong ay sinisiksik ng tubig ulan ang kanilang mga #ootd. Muli kong hinawakan ang basa kong mangas at napaisip, mabuti na ito kaysa sa sinasapit ng iba.
Pinaling ang tingin sa kabilang parte ng sasakyan, bakas mula sa malabong mga bintana dulot ng malakas na ulan ang pila ng iba pang nagsisiksikang sasakyan. Trapik na naman. Wala ng pinagbago. Nabasa ko sa twitter na may bangaan sa Santolan. Wala ka naman magagawa kung hindi ang mapailing na lang.
Kapag ni-romansa ka nga naman ng malas, sagad!
9:30 na, naghuhumiyaw na oras sa relos ko. Isa’t kalahating oras na kong late, kaltas na naman. Kahit maaga kang umalis ay wala din kung kalbaryo ng trapik ang pasan mo pagpasok. Mabuti na lang at may pelikulang pinapalabas sa bus na ito at kahit papaano ay nalilibang ang mga kapwa ko komyuters. Hindi ko naman makita ang palabas dahil kasing laki lang ng kahon ng sapatos ang tv. At pawang mga nasa harapan lamang ang may tyansang masilayan ang Need for Speed. Sinandal ko na lang ang aking ulo, pumikit, ninamnam ang ingay na mula sa tugtog ng Disturbed at Incubus sa iPod. Nagnilay-nilay, nag-isip ng ibang solusyon kung paano makakatakas sa trapik na ito. Ninais kong bumaba at maglakad, ngunit wala akong dalang payong.
Parang korapsyon naman ang buhos ng ulan, walang tigil.
Sa aking pagpikit muli ay nakaramdam ako ng ibang kaba, kakaibang pakiramdam na pamilyar, ngunit di ko maipaliwanag. Isang malamig at matulis na bagay ang tila kumakalabit sa aking naglalakbay na diwa. Dinilat ko ang aking mata at nakita ko ang katabi kong magkasintahan na balot ng takot ang mga mukha at nakatingin sa akin. Binaling ko ang tingin sa kabila kung saan ko nararamdaman ang matulis na bagay, at bigla kong natanong ang sarili kung bakit kasi pumasok pa ako ngayon.
Nilibot ko ang tingin sa kabuuan ng bus, nakababa ang mga kurtina. May tatlong katao ang nakatayo kahit wala pa sa kalahati ang laman ng bus. Yung isa ay nasa likod ng drayber, katabi ang tinututukan na konduktor. Ang isa ay nasa gawing gitna, tangan sa kamay ang isang bag kung saan inuutos sa mga pasahero na ilagay ang kanilang mga gamit. At ang isa ay nasa tabi ko, nakatutok ang hawak na ice pick sa pisngi ko at pilit hinihingi ang wallet at cellphone ko.
Sa mga ganitong sitwasyon ang mabuti ay huwag ka nang lumaban, huwag mo nang isugal ang buhay mo kapalit ng kaunting pera at gadget. Nothing to lose ang mga tao na tulad ng mga ito. Wala silang pakialam kung mapatay ka nila o masugatan, basta makuha lang nila ang gusto nila. Akmang dudukutin ko na ang wallet ko nang biglang umalingawngaw ang isang nakabibinging putok na nagmula sa bandang likuran ng bus. Kasabay ng paglingon ko ay ang siyang pagbagsak ng taong gustong kumuha ng wallet ko. Duguan ang katawan nitong bumagsak sa sahig ng bus.
Isa sa mga pasahero ang lumaban at binaril ang isa sa mga kawatan, ang sanhi ay karambola sa loob ng bus. Nataranta ang mga tao pati ibang natitirang kawatan at pinagdiskitahan ang drayber at ginawang human shield ang kundoktor. Sigawan at hiyaw ang pumuno sa bus, isang putok ulit at bumagsak ang isa pang kawatan. Kumalat sa sahig ang mga nakulimbat na cellphone, wallet, tablet, pati panty ni ate na siyang binigay sa isa sa mga kawatan kapalit ng kaligtasan. Dahil sa takot ng huli ay inutusan nito ang drayber na buksan ang pinto, ngunit naramdaman nito na unti-unting bumabagal ang bus, may binabalak ang drayber, bago pa siya maunahan ng sibilyan na may baril ay agad niyang inayudahan ng saksak ang driver sa leeg.
Lupaypay ang agaw-buhay na drayber sa kanyang manibela, nadiinan nito ang silinyador, agad umarangkada sa otsenta, nobenta, diyes syentos. Sa gitna ng kaguluhan sa loob ng bus, mabilis itong nakaahon sa ibabaw ng Santolan flyover na parang kasali sa pelikulang Need for Speed.
Segundo ang nakalipas, ramdam ko ang walang kontrol na bus na sumasayaw sa ibabaw ng flyover. Sa gitna ng hiyaw at kaguluhan ay natanaw ko ang nalalapit na pagtama nito sa railings. Ilang sandali pa ay isang malakas na kalabog. Umikot ang mundo, nakita ko mula sa bintana ang dalawang nagbanggaang sasakyan sa ilalim ng flyover na siyang pinagmulan ng mahabang trapik na ito. Sa kanila ang deretso ng bus na aking lulan na tinangkang looban ngunit nauwi sa trahedya at ngayon ay mabilis na bumubulusok pababa sa kanila. Ganyan talaga ang kamalasan kung saan-saan nanggagaling.
Malakas na pagsabog, yumanig ang lupa, at biglang nabalutan ng makapal na usok ang ilalim ng Santolan flyover.
Sa gitna ng kadiliman at usok biglang nagliwanag ang paligid, tanging lamig ang aking nararamdaman, pamilyar na tunog ang bumabayo sa aking tenga.
At bigla kong narinig ang isang malakas na sigaw.
-“Crossing!! Mga crossing diyan, dito na ang babaan, bawal na sa kabila!!”




Comments