top of page

Biktima

  • Markcism
  • Jun 2, 2015
  • 7 min read

Biktima.png

6:00 AM – Martes “Hinihintay lang natin na huminto ang gulong ng buhay, dahil hindi natin alam kung saan ito patungo.” Siksikan at mahaba na ang pila sa MRT, pare-parehas na ang amoy ng mga kakaligo lang na pasahero, amoy punyeta. May mga nagagalit, may mga naiinip, may mga nagke-kwentuhan, may mga nangungulangot, may mga media pa na aligaga sa pag-interview sa mga taong naka-pila ukol sa kanilang saloobin sa talagang mabagal na sistema ng pagsakay sa MRT. Ngunit sa di kalayuan may mga matang nakamasid, malagkit ang tingin sa bawat pagkilos ng mga tao sa pilang umabot na sa di tanaw na lugar. Hindi siya nakatingin sa mga mukha ng mga ito, bagkus ang kanyang atensyon ay nakatuon sa mga hawak nila. Daig pa ang talas ng punyal ng demonyo kung titigan niya ang mga gadgets na hawak ng mga pasahero. -“Paki-ayos po ang pila, lahat po tayo ay makakasakay sa tren”, pakiusap ng gwardya na mistulang gripo na ang noo sa dami ng pawis; Patuloy ang pakikipagsapalaran ng mga tao, makasakay lang sa tren, makarating lang ng maaga sa kanilang mga destinasyon, makaalis lang kaagad sa mala-impyernong lugar na kung tawagin ay MRT Station. Lahat na yata ng libangan ay ginagawa na ng mga tao sa pila na akala mo ay sasali sa Guiness World Record bilang may pinakamahabang linya ng tao, yung iba nakikipag-kwentuhan sa katabi o kasama nila o sa dun lang nila nakilala at parehas silang may masakit na saloobin sa pamumuno ng gobyerno o kung anong nangyari sa pinapanood nilang teleserye. Yung iba ng te-text, tumatawag, naglalaro ng Candy Crush, nakatingin sa malayo, binibilang yung mga dumadaan na bus, at yung iba nagulat dahil biglang may sumigaw sa gitna ng mahabang pila. -“Weeeeeeeeeeehhh…”, malakas na tili ng isang babae, animo’y sinungaban ng sampung toro na sabay sabay sumundot sa pwet nya ang tinis ng kanyang pagsigaw. “..may kumuha ng bag ko!!”, sabay turo sa isang lalaki na mabilis tumatakbo pasalungat ng pila, patawid sa EDSA, papuntang Trinoma. Mabilis naman rumesponde ang mga guwardya, hinabol nila ang lalaki, ang ilang lalaki sa pila ay naki-habol na din pati ang isang lalaki na kasama ng babaeng nakuhaan ng bag, tila isang eksena sa pelikula ang nangyayari. Nakatuon ang tingin ng lahat sa lalaking tumatakbo, napapatanong ang ilan kung anong nangyari, ang iba’y napapaisip kung bakit mas mabilis tumakbo ang hinahabol kesa sa humahabol, ang iba ay walang pakialam at panay ang tingin sa relo, anong oras na, wala pa din tren. 1:45 AM – Martes “Ibang klase mag-trip ang tadhana, minsan gusto mo, pero madalas ayaw mo lahat ng nangyayari. -“Mando! susmaryosep! madali ka, ang anak mo, sinugod sa ospital!,” nanginginig ang boses ni Aling Nena, ang kasera nila Mando sa inuupahang bahay sa likod ng pambasang bangko. Hindi magkamayaw si Mando sa narinig, agad itong pumanhik ng bahay, nakita niyang walang tao kaya binalingan si Aling Nena na halos wala ng ibang bukang bibig kung hindi ‘susmaryosep’. -“San hong ospital dinala?”, -“Sa East Avenue…”, hindi na tinapos ni Mando ang sinasabi ng matanda at agad itong tumakbo palabas ng lugar nila. Sumakay ng tricycle at tinungo ang ospital na ilang milya lang ang layo sa kanilang lugar. Bakit ganito ang buhay? Ang tanging tanong na naglalaro sa isip ni Mando, sabay flashback sa mga pangyayari sa kanya kaninang umaga sa opisina; -“Mr. Del Rosario, sorry to inform you but this is your last week in this firm”, parang kidlat iyon na tumama sa pagkatao ni Mando, ang mga kataga ng kanyang amo ay parang mga hiwa na unti-unting humahapdi habang ninanam niya ang bigat ng mga sandaling iyon. -“But Sir Norman…”, -“I’m sorry Armando, but the company needs to cut some employee for this firm to survive”, Tangina, cost-cutting my ass, ang sabihin niyo talagang tatangalin niyo na lahat ng mga kaka-regular lang na employee ninyo, dahil alam ninyo na oras na tumagal kami sa kompanyang ito tataas ang demand namin sa benefits; sigaw ng utak ni Mando habang gigil sa pagkakatikom ang kanyang mga kamay. -“Boss, saan po ba yung children’s ward?”, tanong ni Mando sa guwardya sa ER ng hospital. Tinuro ni manong guard ang daan at agad tinungo ni Mando ang lugar. Naabutan niya sa tabi ng kama ng kanyang anak ang kanyang asawa na pulang-pula ang mata dahil sa kakaiyak. Malala na daw, kailangan ma-operahan sa lalong madaling panahon dahil kung hindi ay magiging sanhi iyon ng maagang paglisan ng kanyang kaluluwa sa mundong ibabaw; yan ang mga katagang naintindihan ni Mando sa pagitan ng mga hikbi ng kanyang asawa nagpapaliwanag sa sitwasyon ng kanilang anak. Mabilis na gumana ang utak ni Mando, lumabas siya ng ospital at bumili ng yosi sa may kanto, wala siyang pakialam kung bawal manigarilyo sa lugar na iyon, ang tanging tumatakbo sa isip niya ngayon ay kung paano mapapa-operahan ang anak, binilang niya ang kanyang makukuha pa sa dati niyang trabaho, “..kulang pa!” sigaw ng utak niya. Inisip ang mga kaibigan na mauutangan, ang mga kapamilya na pwedeng lapitan, maaring makalikom siya ng pera pero mukhang hindi pa din sapat. Ngunit, wala sa bokabolaryo niya ang mang-abala ng tao, kung kaya niyang diskartehan ay gagawin niya, kesa mangutang o manghingi, yun ang tanging ugali ni Mando na hinding hindi niya maalis sa sarili. Isang magandang ideya, mabilis na pera; kailangan lang ay konting diskarte, liksi ng kilos, at lakas ng loob. Hindi na niya kailangan istorbohin ang mga kamag-anak o magmakaawa sa mga nagpapautang. Tinapon ang hawak na sigarilyo, binagtas ang isang madilim na lansangan sa gilid ng ospital, isang kanto, dalawang kanto, hindi na tanaw sa kanyang likod kahit na anino ng ospital, sa malayo ay tanaw naman niya ang kumpol ng mga kabahayan. 6:00 PM – Lunes “Dahil mas gugustuhin pa ng iba na ulamin ang kanilang prinsipyo kaysa umasa sa iba.” -“Nagustuhan mo ba iyong pinadala kong bagong cellphone sa’yo? Latest model yan ng Samsung”, malambing na boses ang bumasag sa katahimikan ni Linda habang tine-testing ang hawak na bagong Samsung cellphone na kasing laki ng tablet. -“Oo naman mahal, nagagalak ako dahil dito, maaari na akong makipag-sabayan sa mga kasamahan ko sa trabaho, hindi na nila ako aasarin na luma at pipitsugin ang cellphone ko”, sagot ni Linda na may pang-aakit ang mga mata. “..mukha yatang malaki ang bonus mo at nabilhan mo ko ng mamahaling cellphone?” -“Na-increase kasi ang sahod ko, nagkabawasan ng tao sa opisina, kaya tinaasan kaming mga may katungkulan”, paliwanag ng lalaki sabay hawak sa balakang ni Linda at halik sa leeg. Sarili mo nang imahinasyon ang gamitin para sa mga sumunod na eksena, basta mainit, dahil ngayon ay panahon ng summer. Magandang babae lamang si Linda, maayos ang postura, simple, at mataas ang pangarap sa buhay. Ordinaryo lang siya noon, pero iba na siya ngayon, puro signatured ang damit at bag, mamahaling mga relo at alahas, at ngayon isang napaka-bagong model ng cellphone ang dumagdag sa kanyang materyal na koleksyon dito sa mundo. Bakit nga ba naman hindi siya magkakaron ng mga ganitong bagay, ang nobyo niya ay may mataas na katungkulan sa isang primyadong kompanya, malaki ang sahod, at malaki din ang agwat ng edad nila. Sabagay normal na ngayon ang pagiging praktikal, yung wala kumapit sa meron at gawin ang lahat, yung meron bigyan ang wala para sambahin sila. Madaling masilaw ang tao sa mga materyal na bagay, sabi ng iilan depende daw sa tao yun, ang pananaw naman dito ng iba oras na masayaran ng rangya ang mga palad mo, hahahanap-hanapin mo ito, at gagawin mo ang lahat huwag lang mawala ang mga materyal na bagay sa pangangalaga mo. Dahil ang pananabik sa mga materyal na bagay ay parang pananabik sa usok ng bato ng mga tigang na user, nakaka-adik. -“Kanina lang tumawag yung pinsan ko, may-sakit daw yung anak niya, sabi ko nga dalhin na sa ospital e, kaso ang sagot sakin wala daw silang pera. Ayun, nanghihingi ng tulong”, sambit ni Linda na nakaupo sa gilid ng kama at nagsindi ng isang stick ng sigarilyo. “..sabi ko sa kanya, dalhin na niya sa ospital yung anak niya, madali na kako yung pang-bayad” dagdag pa nito. “Huwag ka nang makialam sa problema nila, baka hindi naman malubha yung bata kaya ayaw dalhin sa ospital. Isa pa saan ka naman kukuha ng ibibigay mo sa kanila?” madiin na tugon ni Norman habang nagsusuot ng pantalon. Sabagay saan nga naman ako kukuha ng maibibigay ko sa kanila, e sarili ko ngang pamilya pinagdadamutan mo. Mga daing na pilit humihiyaw sa isip ni Linda. Wala siyang magagawa kung ayaw ni Norman, nag-away na sila dahil sa mga bagay na ito dati, ayaw na niyang ulit maulit pa. …… “Ayun! ayun yung snatcher!” sigaw ng isang lalaki sabay turo sa lalaking akala mo kasali sa marathon sa pagtakbo, tinalon ang fence sa center island, karipas patungo sa parking lot ng mall. Tila sanay na sanay ang lalaki sa ganitong habulan, animo’y kusang umiiwas ang mga sasakyan sa kanyang pagdaan. Ang mga humahabol naman ay nagwatakwatak, upang siya ay ma-corner, ang isa ay rumadyo na sa ibang security sa paligid ng lugar upang salubungin ang lalaki. At ngayon nila napagtanto na ang lahat ng marathon ay may finish line. -“Screeeeeeeeeeeechhhhh”, malakas na iyak ng agarang pagsadsad ng gomang gulong sa aspaltadong kalsada, kasabay ng malakas ng hiyawan sa paligid at sigaw ng mga nanonood na animo’y sumusubaybay sa mala-teleseryeng habulan. Naabutan ng mga humahabol ang hinahabol, kasabay ng pag-agos ng sariwang dugo sa kalsada. Nasagasaan ‘yung snatcher, bulungan ng mga usisero. ‘Yan nga ang bagay sa mga taong tulad mo, sa isip ng ilan. Demonyo, salot, kriminal, at kung ano-ano pang kampon ng kasamaan ang tingin ng bawat taong nandoon sa lalaking nakahadusay at nagpo-floating sa sariling dugo. Masisisi mo ba naman ang mapang-husgang isipan ng mga tao gayong nakita nila na ang inagawan ng bag ang siyang biktima at nararapat lang sa isang snatcher ang sumapit ng karumal dumal na kamatayan. Mistulang mga super hero ‘yung mga guards nang dumating ‘yung may-ari ng bag at kasama nito, akala mo sila ‘yung bida sa maaksiyong pelikulang kanina lang shinooting at nagtapos sa happy ending. “Kilala ko ang lalaking yan!” gulat na sambulat ng lalaking kasama ng babaeng inagawan ng bag. “Mando?” sabi ng babaeng hindi makapaniwala, dahil hindi siya nakilala at siya pa ang inagawan ng bag. “Armando Del Rosario, ‘yan ang pangalan niya, teka, paano mo siya nakilala, Linda? Empleyado ko ‘yan e, buti na lang tinanggal ko sa trabaho, ganyan pala ang kalakaran niyang gago na yan, sa katunayan huling linggo niya na sana ngayon”, pagyayabang ng lalaki, ngunit napatigil ito nang makitang may mga luhang gumigilid sa mga mata ni Linda. “Asawa yan ng pinsan ko, ‘yung sinasabi ko sa ‘yo na humihingi ng tulong dahil may sakit ang anak nila, malubha na pala ang karamdaman ng bata at kailangan ng operahan”, hikbi ni Linda. “..kausap ko ang asawa niya kanina bago makuha ang bag ko, sabi niya na huwag na daw ako mag-alala dahil nangako daw ang asawa niya na siya na ang bahala!” tuluyan nang humagulgol si Linda, hindi niya lubos maisip kung bakit. Noon pa man ay alam na niya na may sariling paninidigan itong si Mando, pero patuloy ang sigaw ng kanyang konsensya, -“Sana nagsabi ka na lang.” “Di lahat ng masama ay natural na masama, minsan kailangan lang nilang maging masama upang makagawa ng mabuti.”

 
 
 

Comments


Recent Posts

Sa isang madilim na dako ng gunita ako'y nagmula, lipon ng mga salita ay pilit kong tinutugma, sayaw ng dahon sa hangin ang tanging inspirasyon, alaala ng kahapon ang tanging edukasyon, kasabay ng paglutang ng ulap ang aking imahinasyon, subalit iyong mapagtatanto, kapag ang pluma at papel ay nagtagpo.

bottom of page