top of page

Alupihan

  • Markcism
  • Jun 8, 2015
  • 9 min read

Alaala-ng-Isang-Alupihan.jpg

“Boss, lima!” sambit ni Ben habang kinakalabit ako, palabas na ako noon ng iskinita papasok sa eskwela. Ugali nang manghingi sa akin ni Ben, siguro dahil na drin nakunsinti ko siya, pero wala namang masama sa pagbigay ng ekstrang barya para sa isang taong tulad ni Ben. -“Oh eto na, huwag mong pangbibisyo ah!” mariin kong sagot sabay abot ng limang pisong barya. Nasa edad-40 na si Ben, taong lansangan, lasenggero, taong-grasa kung tawagin ng iba. Yung mga mas bata sa amin ganoon na lang kung kutyain at asarin siya, lalo na kapag lango sa alak at hindi kayang dalhin ang sarili dahil sa kalasingan. Minsan binabato pa siya ng mga bata kapag natutulog sa dulo ng iskinita, nandiyan na basain siya ng ibang kapitbahay namin kapag humilata na siya sa halamanan ni Aling Zeny. May pamilya naman si Ben, pero tila pinabayaan na siya, lalo na nung binenta ‘yung dati nilang bahay sa gilid ng palengke, naging literal na anak ng kalikasan na lamang siya. Pero ano nga ba talaga ang nangyari kay Ben? Dati naman daw matino naman ito, tipikal na binatilyo sabi ng mga ka-edad niya, mahal na mahal daw ito ng tatay niya, kaya nga siya junior e. Pero nakagisnan ko nang ganyan na siya, kaya hindi ko alam ang tunay na pamumuhay niya dati, isa lang ang naalala ko sa kanya, at ito ang naging dahilan kung bakit magaan ang loob ko sa kanya. ……………….. Grade 1 pa lang ako aymahilig na akong maglaro sa tambak ng buhangin sa may ilalim ng tulay sa may service road. Pag-aari ng isang malaking hardware sa lugar namin ang mga tambak na buhangin na iyon. Nangunguha kami ng mga clay o kaya ay gumagawa ng mga patibong. Maraming mga trabahador sa hardware ang nahuhulog sa mga patibong namin sa buhangin, kaya naman ganoon na lamang ang galit nila kapag nakita nilang nandoon na naman kami at naglalaro. Isang sabado, nagmamadali akong lumabas pagkatapos kumain ng pananghalian. May usapan kami ng mga kalaro ko na maglalaro sa may tulay, may bagong roller skates kasi yung isang kaibigan namin, subukan daw namin iyon. Ang tulay ang magandang praktisan, dahil pababa at at pag nawalan ka ng preno ay sa tambakan ng buhangin ang tumbok mo. Iwas sakit ng katawan. Masaya ang aming naging paglalaro gamit ang mga bagong roller skates ni Atong, kahit may gasgas na ang aming mga tuhod ay tuloy pa rin kami sa pagpapadulas sa tulay. Kahit pati na yata brief ko ay nalagyan na ng buhangin dahil sa lagian kong pagtilapon doon ay hindi ko alintana, ma-enjoy lang ang sandaling ito. Sabado pa naman, walang pasok, masaya kahit walang baon. Sa gitna ng aming kasiyahan ay may parating palang panganib. -“Oh eto kaya n’yo?” malakas na sigaw ko habang nasa ibabaw ng tulay. Suot ang roller skates, marahan akong umusad. Sa una ay mabagal ang aking pagtakbo pababa, hanggang sa bumilis nang kaunti, at bumilis nang bumilis pa. Sa sobrang bilis at dahil sa tarik na din ng tulay, kahit ako ay hindi ko mapigilang huminto, nakaramdam ako ng takot, at ang pagyayabang ko ay napalitan ng kaba. Alam ko na sa buhangin pa rin ang deretso ko, pero hindi ko alam kung bakit iba ang nararamdaman kong kaba. Ilang sandali pa ay naramdaman ko na tumama ang katawan ko sa buhangin, pero bakit parang hindi pa rin ako humihinto. Tarik ng tulay, dulas ng gulong ng roller skates, hatak ng gravity, kaunting computation, instant disaster. Lumagpas ako sa tambak ng mga buhangin dahil sa sobrang bilis ng pagbulusok ko pagbaba mula sa tulay. Hindi ako naka-landing sa target area. Kasunod ng pagkawala ng tambak na buhangin sa aking paningin, ay tumambad sa aking mga mata ang aspaltong kalsada. Padapa akong bumagsak sa gitna ng service road. -“Anak, huwag kayong maglaro sa may service road, delikado dun!” laging paalala sa akin ni inay. -“Noong isang araw may nabundol daw na bata doon, ang titigas kasi ng ulo, nagagalit na nga si Mang Hector pag may mga naglalaro sa buhangin, sige pa rin kayo nang sige!,” Alam kong hindi nagkulang si inay ng mga paalala niya sa akin, alam kong magagalit siya kapag nalaman niya na patuloy pa rin akong naglalaro sa may service road. Paano ba naman, ‘yung ibang galing ng NLEX ay doon dumaraan para makaiwas sa matinding trapik sa bandang Kamachile. Eto ako ngayon, nakatukod ang mukha sa mainit na asplato ng service road, naririnig ko ang hiyaw ng mga kalaro ko, ‘yung iba ay tumatawa, ‘yung iba’y tinatawag ang pangalan ko, at ang pinakamalakas na boses na narinig ko ay ang boses ni Aling Minda, ang talakerang tindera ng prutas sa palenke na lagi naming kinukuhanan ng indian mango at fuji apple kapag nakatalikod o kaya ay busy sa pakikipag-away sa mga bumibili sa kanya. -“Naku! ‘Yung bata!!! Baka masagasaan!” malakas na sigaw ni Aling Minda sabay turo sa mabilis na paparating na closed van. Pakiramdam ko ay nayayanig ang asplatong kalsadang iyon sa mabilis na pagdating ng sasakyan, hindi ko magalaw ang katawan ko, hindi ko alam kung sa takot, o kung may anong nabali sa mga buto ko. Unti-unti kong binaling ang aking ulo sa gawi kung saan parating ang rumaragasang sasakyan. Parang nag-flashback na within one second ang buhay ko, hindi ko alam kung hihingi na ba ako ng tawad sa kalangitan o makikipaglaro ng pusoy kay satanas. Napapikit na lang ako, umasa na biglang ma-teleport ako sa ligtas na lugar, at biglang naging madilim ang buong paligid. ………. Tag-ulan noon, nakatambay kami sa loob ng palengke, at dahil tanghaling tapat noon kaya sarado ang karamihan ng mga tindahan. Napansin ng isang kalaro ko si Ben na may kung anong hawak at pinaglalaruan sa may bandang gilid, nilapitan namin ito at nakita ang kanyang hawak. Isa itong malaki at mahabang alupihan. Nung una ay natakot kami dahil sabi sa amin ng mga matatanda sa lugar namin na kapag nakagat ka daw ng alupihan ay magkakaroon ka ng rabies at bubula ang bibig. Pero laking taka namin kung bakit hindi man laman natatakot si Ben, nilalaro niya pa ito at pinapagapang sa kanyang mga braso. -“Tinanggal ko na ‘yung ngipin niyan,” sambit ni Ben, -“E baka mangagat pa rin yan,” atungal ng isang kalaro ko, Tangkang ipapahawak ni Ben sa kanila ang alupihan nang bigla silang nagtakbuhan, naiwan ako. Sa akin inabot ni Ben ang alupihan, nakaramdam ako ng takot, baka nga naman kagatin ako at biglang bumula ang bibig ko. -“Huwag kang mag-alala, hindi na mangangagat ‘yan, wala na ‘yung mga pangil niyan,” nakangiting sambit ni Ben. Hindi ko alam kung bakit parang nagtiwala ako sa kanya noon at hinawakan ang alupihan, nilaro ito, pinagapang sa braso ko. Siguro bata pa ako noon at hindi pa ganoon kalalim ang pang-unawa ko sa tinatawag na disgrasya. -“Matapang ka naman pala e, hindi tulad ng mga kalaro mo!” sambit ni Ben at ginulo ang buhok ko, kinuha na rin niya ang alupihan at lumabas na ng palengke. ………. Hapdi at kirot ng katawan ang naramdaman ko nang bumalik ang ulirat ko. Ano kayang nangyari sa akin? Buhay pa ako at buo pa ang katawan ko dahil nakakaramdam pa ako ng sakit, huminto siguro yung saksakyan o iniwasan ako. Alam kong dilat ang aking mga mata, pero tila wala akong makita, malabo ang paligid, sinubukan kong bumangon. Laking taka ko kung bakit ako napadpad sa gilid ng service road, parang kanina lang halos sariwa pa sa isip ko ang imahe ng aspalto sa aking mukha, ramdam ko pa ang dagundong ng mabilis na pagdating ng closed van. Paiyak na sana ako nang may narinig akong boses mula sa tagiliran ko. -“Delikado yung ginawa mo,” boses iyon ni Ben. Nilingon ko siya, nakita kong hawak pa rin niya ang alaga niyang alupihan at pinupunasan ang dugo sa kanyang tuhod. Ilang sandali pa ay nagtatakbuhan papalapit sa akin ang mga kalaro ko. Lahat sila ay nagtatanong kung okay lang ako. Saka ko naisip na nailigtas pala ako ni Ben, nakuha niya ang sugat sa kanyang tuhod dahil sa pagsadsad niya sa kalsada upang ilayo ako sa rumaragasang van. Literal na sinagip ni Ben ang buhay ko mula sa kapahamakan at tiyak na kamatayan. Sinabihan ko na lang ang mga kalaro ko na huwag nang ipaalam sa nanay ko ang mga nangyari. Unang-una’y madadamay din sila at tiyak na pagagalitan din sila ng mga nanay nila kapag nalaman pa ng mga iyon na muntik na akong mamatay noong araw na iyon. Nagkasundo naman kaming lahat at nagpasyang umuwi na. Mula noon ay tinanaw kong utang na loob iyun kay Ben, kahit hindi niya deretsang sinabi sa akin na niligtas niya ang buhay ko. Kaya bilang ganti ay binibigyan ko siya ng mga pagkain, sinasabihan ko rin ang mga kalaro ko na huwag na siyang asarin o lokohin. Nung lumaki na ako at natutong magbisyo ay lumala na ang pagiging lasenggero ni Ben, hindi na siya nakakakilala ng mga tao sa tuwing lango siya sa alkohol. Pero kilala niya pa naman ako pati mga kalaro ko dati. ……………….. Isang araw, nagmamadali akong pumasok noon, ilang minuto na lang at late na ako sa trabaho. Sobrang bilis ng mga yapak ko palabas ng iskinita. At lagi na lang kung kailan nagmamadali ka ay saka ka pa paglalaruan ng tadhana at maglalagay ng isang napakalaking balakid sa daan mo. Ginagawa ang poste sa tapat ng iskinita namin, nakaharang ang mga kable at ang isang lalaki. -“Bawal munang dumaan, sir, baka mabagsakan po kayo ng kable.” Pu***na, male-late na ko. Wala akong nagawa kundi umikot sa kabilang labasan ng iskinita at maglakad ng karagdagang kalahating kilometro para makasakay ng jeep. Peste! Sa daan ay nasalubong ko si Ben, mukhang lasing na naman ito, at tulad ng nakasanayan ay manghihingi na naman siya ng barya o bebentahan ako ng kuna ano-ano dahil may hawak itong plastik at inaabot sa akin. Tirik na ang araw noon at mainit na ang paligid, nadagdagan pa ang bwisit ko at alalahanin na male-late ako sa opisina, parang dumilim ang paningin ko at bigla kong nabatukan si Ben. -“Ikaw na gago ka, wala kang ibang ginawa kundi uminom nang buong araw, tapos may gana ka pang mang-istorbo ng tao. Alam mo bang nagmamadali ako dahil baka mawalan ako ng trabaho?” Dumukot ako sa bulsa ko ng bente pesos at sinampal ko sa dibdib niya. -“Ayan!! Huling bigay ko na sa iyo ‘yan, sa susunod huwag mo na akong iistorbohin,” sambit ko at naiwang tulala si Ben. Madaling araw na nang nakauwi ako nung araw na iyon, galing ako sa inuman ng barkada sa Navotas, beerday ng isa sa mga tropa namin nung college. Medyo maulan, kaya nagpasya akong mag-taxi pauwi. Mabilis ang naging biyahe ko simula Tanza hangang sa amin, pasado alas-tres ng madaling araw nang marating ko ang bukana ng iskinita namin. Medyo madilim, pero pansin ko na may taong nakahiga sa tindahan ng mga tsinelas sa tapat ng iskinita. Si Ben iyon sabi ko sa sarili ko at naalala ko ang mga pangyayari kaninang umaga, lasing na naman ito at lasing din ako, bukas na lang ako hihingi ng dispensa kung may nasabi man akong hindi maganda kaninang umaga. Nagmamadali naman kasi ako. Dumeretso na ako sa bahay at mahimbing na natulog. Maaga akong bumangon kinabukasan, sa lakas ng hang-over ko ay gusto kong tumira ng isang galon na kape. Jumingle muna ako bago nagpakulo ng tubig, nadatnan kong walang tao sa bahay, kaya sumilip ako sa bintana. Nagkakagulo ‘yung mga taong iskinita, wala naman akong naririnig na away o komosyon kaya pinabayaan ko na lang sila. Pagsindi ko ng yosi ay siya namang pagpasok ni ermats. -“Patay na daw si Ben,” balita ni ermats na parang malungkot sa mga pangyayari. -“Nakita ko pa siya kaninang madaling araw, natutulog dun sa may tindahan ni Aling Iska,” maikling sagot ko upang takpan ang biglang kakaibang nararamdaman kong awa o lungkot o hindi ko maintindihan kung ano. -“Doon nga siya nakitang patay e, mukhang kagabi pa raw siya patay sabi nung punenaryang kumuha sa kaniya kanina”. Hindi ko na inintindi ang sinasabi ni ermats at lumabas ako ng bahay. Nakita ko ang isa sa mga katropa ko sa iskinita. Inusisa ko ito kung anong ang nangyari kay Ben. -“Hindi ko rin alam, pare e, pero kagabi nakita pa namin siyang nakaupo. Nagulat nga kami kasi may bente pesos siyang hawak tapos for the first time hindi niya pinambili yon ng alak. Sabi ni Justin, hinahanap ka raw ni Ben kagabi sa kanya, e kaso hindi niya pinansin dahil baka daw padadagdagan sa iyo ‘yung pera niya pambili ng alak,” mahaba at tuloy-tuloy na kuwento ni Baldo. -“Nung makita raw siya kanina hawak pa rin daw niya ‘yung bente pesos, at akala nga nung mga tanod ay ninakaw niya ‘yung bente pesos, pero pinaliwanag namin na kagabi pa niya hawak ‘yung pera,” pagpapatuloy pa ni Baldo. Bigla akong napasalampak sa may gutter at inalala ang mga nangyari kahapon, nung nakasalubong ko siya. Pilit kong binalikan ang mga sandaling iyon, maaliwalas ang mukha niya noong sinalubong ako, mukhang nakainom siya, pero hindi amoy alak. Baka may nararamdaman na siya noong umaga, may dala siyang plastik, pero hindi ko alam kung ano ‘yung laman noon. Akala ko’y bebentahan niya ko ng kung ano-ano na namang mga bagay at inunahan ko siya ng init ng ulo. Mabilis akong tumayo at pinuntahan ang lugar na pinaglalagyan niya ng mga gamit, sa may ilalim ng halamanan ni Aling Zeny. Lagi niyang inilalagay ‘yung mga kung anu-anong basura niya doon, kaya laging nagtatatalak ‘yung matanda tuwing umaga. Natagpuan ko roon ang plastik na dala niya kahapon, nakabuhol ito. Kinuha ko at sinira ‘yung plastik. Parang nagsanib ang langit at lupa nang makita ko ang laman ng plastik. May mga damit, na siyang pinaglumaan ko at binigay sa kanya upang may magamit siya. Laking gulat ko dahil malinis ang mga iyon; nandoon din ‘yung garapon na pinaglagyan nung alaga niyang alupihan, may isang kahang sigarilyo na hindi pa nabubuksan, may nakasulat sa kaha. -“Salamat”.

 
 
 

Comments


Recent Posts

Sa isang madilim na dako ng gunita ako'y nagmula, lipon ng mga salita ay pilit kong tinutugma, sayaw ng dahon sa hangin ang tanging inspirasyon, alaala ng kahapon ang tanging edukasyon, kasabay ng paglutang ng ulap ang aking imahinasyon, subalit iyong mapagtatanto, kapag ang pluma at papel ay nagtagpo.

bottom of page