top of page

Private Jane : 006

  • Markcism
  • Jun 11, 2015
  • 7 min read

Private Jane.jpg

Nababalot ng magkahalong amoy ng usok at alak ang simoy ng hangin, madilim, tanging ang ilaw lamang mula sa isang spotlight na nakatutok sa stage ang nagsisilbing liwanag ng makasalanang lugar na iyon na kung tawagan ay Urban Sin. Hiyawan ng mga lasing na tao, malalanding tugtog. Bawat lagapak ng baso sa mesa, tili ng mga nakikiliting mga dalaga, usapan ng mga lasing na hindi nagpapatalo sa kapwa lasing, nang biglang nagbago ang tema ng tugtog, at isang malakas na boses ang dumagundong sa lugar na iyon. -"Ladies and gentlemen, give it up for...", sigaw ng emcee sa likod ng mikropono. Napatigil ang ilan, nag-abang kung sino ang lalabas mula sa pulang kurtina sa kanilang harapan. Nagkaron ng konting artipisyal na usok upang maging engrande ang entrada. -"Lady..... Ayumi..." Napuno ng palakpakan ang bar pagkasambit sa kaniyang pangalan, sabay labas mula sa likod ng pulang kurtina ang isang magandang dilag. Animo'y nang-aakit habang naglalakad patungo sa stage, mala-modelong ginigiling ang katawan sa saliw ng mapang-akit na tugtog. Pagdating sa gitna, kung saan isang malamig na pole ang naghihintay, ang kaniyang destinasyon, kasabay ng bagsak ng malakas na beat mula sa speaker ay siya ring pagbagsak ng kanyang kasuotan. Halos mabaliw ang mga nanonood ng tumambad sa kanila at masilayan ang kaniyang malalaking alindog. Si Lady Ayumi, star dancer sa naturang bar na iyon. Maraming lalaki ang nagkandarapang tumbasan ng pera ang kaniyang pagkababae, maraming mga hayok sa laman ang nagkandarapa at naguunahan upang mai-table lamang siya. Pero mapili at magaling ang manager ni Lady Ayumi, usapan din nila na sa mga primyadong tao lamang siya ipapagamit o papayagan na ma-take out. Kung no-name ka sa politika o alin mang industriya ay malamang malabo mong makuha ang pinaka-magandang hiyas ng Urban Sin. Labag man sa loob ni Ayumi ay kailangang niyang gawin ito, maliit pa ang anak niya, kasalukuyang pang may sakit ito at kailangan maoperahan. Wala siyang makitang ibang paraan upang kumita ng malaking pera sa maiksing panahon. Pikit mata na lamang niyang nilulunok ang mga pangyayari upang maisalba ang buhay ng pinakamamahal na anak. Payag naman siya sa pamamalakad ng manager niya, kahit papaano ay tiyak na malaki ang maiuuwi niya at hindi pa ganoon ka-gamit ang kanyang katawan. Ngunit iba ang gabing iyon, lahat ng usapan nila ng manager ay tila mababale-wala, tanaw niya sa entrance ng bar ang isang paparating na delubyo. Pumasok sa bar ang isang lalaki, matipuno, maangas ang dating, para bang natatanging leader, natatanging naka-leather jacket. May kasama siyang anim pang lalaki, pawang mga bodyguard, nakaantabay sa lahat ng angulo, alerto sa ano mang uri na maaring mangyari. Pumasyal na ito dati sa bar, at nakipagtalo sa manager dahil gustong-gusto nito na ma-table si Lady Ayumi, pero tumangi ang manager. Nagalit ang lalaki at nagbanta na sa susunod na balik niya ay pipilitin niya na ma-table si Ayumi kahit ano pa man ang mangyari. Nagpakilala ito sa pangalang Julio Sandoval. Huli na ng malaman ng manager na ang naka-alitan niya palang customer ay leader ng isang malaking sindikato, maraming koneksyon, hawak din nito ang ilang pulis na siyang konektado sa proteksyon ng bar. At ngayon, nagbalik na nga ang naturang lalaki, tinimbrehan na siya ng mga kaibigang pulis na pabigyan na ito upang hindi na lumala ang sitwasyon. Nasabi niya din ito kay Ayumi, kaya ng pumasok ang lalaki sa loob ng bar, maaninag ang takot sa mukha ni Ayumi, kahit pilit nitong itinatago at ipinagpapatuloy ang erotic dance routine niya. Ilang sandali lang ay nakita na lamang niya ang sarili na kasama na sa iisang lamesa ang lalaking iyon, nakahawak sa kanyang mga hita, ginagawang pulutan ang kaniyang leeg habang umiinom ng mamahaling alak. Lingid sa kanila, sa kabilang dako ng bar ay may isang lalaking kanina pa nagmamatiyag sa kanila. ---------------------------------- -"Ikaw pala batch, kamusta?", bungad na bati kay Dan ng isa sa kanyang mga ka-batch sa PMA na si Alfredo Usi, ngayon ay isa ng NBI agent at tulad niya na nag-resign din bilang SAF agent nang minsan bisitahin niya ito. -"Siya nga pala, may nakuha kaming intelligence tungkol sa kaso ng kapatid mo. Medyo madugo to batch", dugtong pa nito. Tungo lang ang isinagot ni Dan at naiintindihan niya ang ibig sabihin ng term na "madugo" na maaring ihambing sa mga salitang mapanganib, delikado, o sa literal na kahulugan na imposible. Pero tila naging magaan ang kanyang pakiramdam dahil at least may linaw at maaaring may lead na tungkol sa kaso ni Lorena. -"Ayon sa ibinigay sa aming report, huling nakita ang kapatid mo sa isang bar sa may Morato. Umalis ito sa naturang bar mga 11:30 ng gabi, may kasama itong tatlong lalaki at isa pang babae, sumakay sila sa isang puting Hyundai SUV. Nakuha namin ang plate number at na-trace na pag-aari ng isang Congressman Advincula, ngunit ang gumagamit ay ang anak nito na si Dexter Advincula, school mate ni Lorena. Kinukuha pa din namin ang inpormasyon tunkol sa mga kasama niya, lalo na yung isa pang babae na kasama niya dun sa sasakyan--", putol na paliwanag ni Alfredo dahil biglang sumingit si Dan. -"Kung school mates niya ang kasama ni Lorena nung gabi na iyon, maaari na tayong makalakap ng ibang inpormasyon. Kahit dun kay Dexter Advincula, pwede naman natin siguro siyang imbitahan upang makunan lang ng statement, dahil identify siya na kasama ng kapatid ko bago mangyari ang krimen". -"Identified nga natin ang isa sa mga kasama niya, ngunit nagkaron ng konting problema. Kinontak na namin si Dexter at ang ama niyang Congressman ang nakasagot, ang sabi sa amin ay wala na doon ang anak niya at lumipad na papuntang London. Chineck namin ang immigration at kompirmado na nakalabas na nga ng bansa si Dexter may ilang araw matapos makita ang bangkay ng kapatid mo." -"Kahit walang sapat na ebidensya lumalabas na may kinalaman ang Dexter na yan sa pagkamatay ng kapatid ko!" gigil na sambit ni Dan. -"Huwag ka munang magpadalos-dalos batch, wala pa tayong sapat na ebidensya para magturo. Alalahanin mo, anak ng congressman si Dexter, mahirap tumibag ng pader ng walang sapat na kagamitan", pagpapakalma ni Alfredo kay Dan. -"Isa pa pala," dugtong ni Alfredo, "Sa Medico Legal na isinagawa sa katawan ni Lorena, ang ikinamatay nito ay Intracranial hemorrhage o pagdurugo sa loob ng bungo ng tao dahil sa tinamo nitong matinding head injury. May nakita pa ang medico team na trace ng Lorazepam sa kanyang sistema, maaaring drinoga ng mga suspek ang kapatid mo bago gahasain. Sa opinyon ng ilang eksperto, maaaring humupa ang tama ng drugs kaya nagkaron ng ulirat si Lorena habang ginagahasa ito, nataranta ang mga suspek kaya hinampas ito sa ulo na naging sanhi ng pagkamatay nito, itinapon nila ang bangkay sa ilog upang mapalitan ng tubig ang kung ano mang drugs ang binigay nila dito subalit laking pagkakamali nila dahil hindi tuluyang nawala ang traces ng drugs sa katawan ni Lorena". Mahabang paliwanag ni Alfredo. Nanginginig ang mga kalamnan ni Dan sa istorya ng ka-batch, para siyang sasabog na bulkan sa sobrang galit. Ngunit kanino ba dapat siya magalit, sa tadhana? sa mga kasama ni Lorena ng gabing iyon? Lutang ang kanyang diwa, punong-puno ng pait at galit ang puso niya dahil sa pangwawalang hiya sa kapatid niya. Napansin ito ni Alfredo kaya pinakalma ang ka-batch at niyaya sa labas upang manigarilyo, habang nasa labas ng tangapan ng NBI may ilang mahalagang inpormasyon siyang ibinahagi sa ka-batch. ---------------------------------- Hawak ang litrato ng isang lalaki sa kanyang kaliwang kamay, matiyagang pinagmamasdan ni Dan ang isang grupo ng mga nag-iinuman katapat ng kanyang lamesa sa loob ng Urban Sin. Kasabay ng pag-agos ng nilagok na Jack sa kanyang lalamunan ay tumakbo ulit sa kanyang isipan ang mga sinabi ni Alfredo sa usapan nila kaninang umaga. -"Ang sasabihin ko ngayon sa'yo ay classified, may bagong drugs na uso ngayon sa mga kabataan, isa itong party drug na kung tawagin ay Anito. Kombinasyon ito ng iba't-ibang uri ng nakaka-addict na kemikal tulad ng Lorazepam o kilala bilang Ativan; mabisang pang-pakalma at pangpa-tulog, Ecstasy, at Meth. At nakita ang ilang recedue ng drugs na ito sa kapatid mo. Nagsimula ang produksyon nito sa Northern Luzon kung saan maluwag ang kalakaran ng mga ganitong uri ng party drugs hanggang sa umabot na ito dito sa Maynila. Ayon sa ating source, ang may hawak daw ng kalakaran ay isang grupo na kung tawagin ay Kampo Ilokandia, isang elite na samahan at tinatayang may mga miyembro na malakas ang kapit sa pamahalaan. Isang tao pa lang ang identify na taga-Kampo Ilokandia ang nandito namamalagi sa Maynila," sabay abot ng isang picture sa kanya. -"Siya si Julio Sandoval o kilala bilang Mad Max, wala pang masyadong inpormasyon tungkol sa taong ito at under surveilance pa din siya ng NBI. Classified pa ang mga kaso tungkol sa Anito kaya pakiusap ko lang sa'yo na huwag ka munang gagawa ng hakbang na kahit ano para ma-exposed ang ginagawang pagsisiyasat ng NBI. Kapag nahuli ang taong ito, maaaring magkaroon ng lead tungkol sa mga taong gumahasa sa kapatid mo." -"Saan ba maaring makita ang lalaking ito?", usisa ni Dan -"Laman ito ng mga bar, at ilang beses na itong namataan sa may Urban Sin.", sagot ni Alfredo, "inuulit ko batch, huwag ka munang gagawa ng hakbang para maging smooth ang kaso na'to", isang tapik sa balikat at nagpaalam na si Alfredo upang bumalik sa opisina. Kaya siya nagpasya na uminom sa bar na ito ngayong gabi, at ngayon nga ay nasa harapan na niya ang tinatawag na Mad Max, pero wala siyang magawa, ayaw naman niyang isapalaran ang kredibilidad ng ka-batch at gumawa ng padalos-dalos na aksyon. Pilit siyang gumagawa ng iba't-ibang scenario sa kanyang isipan kung paano makakakuha ng inpormasyon sa taong ito. Kampo Ilokandia, Anito, Max Max, Julio Sandoval, Lorena, Drugs, Rape, Revenge, Kuya, Hustisya, mga salitang naglalaro sa kanyang isipan na nagpapabagal ng kanyang disposisyon. Sa hindi inaasahang pagkakataon, biglang nagkaroon ng liwanag sa kaniyang isipan. Nagtama ang mga mata nila ng babaeng ka-table nito na kung tawagin ay si Lady Ayumi. Itutuloy....

 
 
 

Comentários


Recent Posts

Sa isang madilim na dako ng gunita ako'y nagmula, lipon ng mga salita ay pilit kong tinutugma, sayaw ng dahon sa hangin ang tanging inspirasyon, alaala ng kahapon ang tanging edukasyon, kasabay ng paglutang ng ulap ang aking imahinasyon, subalit iyong mapagtatanto, kapag ang pluma at papel ay nagtagpo.

bottom of page